Saturday, September 17, 2011

Homesick

Naluluka na yata ako dito sa Canada. Wala namang dahilan, napapagod lang, o baka tumatanda na. Anim na taon na ako dito. Tignan mo nga, di pala anim, pito pala. Pitong taon na. Minsan naiisip ko, ano kaya ang nangyari sa buhay ko kung hindi kami umalis ng Pinas? Pero syempre, tulad ng ibang 'what ifs', wala namang kwenta ang ganitong pag iisip, wag nalang isipin.

Sa tagal ko dito, at sa tagal na panahong di ako umuuwi, di ko na alam kung ano na nga ba ang Pinas. Ang nasa alaala ko yata e yung mga gusto ko lang maalala. Masarap na pagkain, mabagal na buhay, mainit na araw, masayang mga pagkakataon kasama ng mga mahal sa buhay. Nakalimutan ko na ang hirap mag budget ng kaunting kita doon, ang sobrang traffic, ang nakatutunaw na init, ang malakas na ulan, ang baha, ang away away ng mga magkapatid. Gusto ko nalang umuwi. Maghilata ng walang iniisip. Kumain ng pagkaing hindi ako ang nagluto. Bumili ng kung anu-anong napakamumura. Maligo sa dagat. Sumakay ng tricycle. Magsuot ng bagong plantsang damit. Uminom ng coke sa plastic. Kumain ng Champ sa Jollibee, ng Bunch of Lunch sa Shakey's, ng inihaw na pusit sa Riverbanks, ng bibingka at oysters sa Via Mare, ng chicharong bulaklak sa Pathways, ng lechong manok sa Andoks, ng fishballs at manggang hilaw na may bagoong ni Mang Andy. Mag gala sa Mega Mall. Mag shopping sa Greenhills. Magkape sa Starbucks sa Greenbelt. Makipagkwentuhan sa labas kahit gano katagal, ng hindi nag iisip ng mga anak ko sa bahay, naiwang mag isa. Makinig ng Tagalog na nag uusap ng walang halong punjabi, korean, french, chinese, japanese, russian, spanish, at kung ano ano pa. Oo, ganyan ka diverse ang population dito sa Vancouver. English yata ang minority. Tagalog lang pwede?

Alam ko naman na nangangarap lang ako. Di naman langit ang Pinas. Na mi miss ko lang. Baka pag bumalik ako dun lalo akong maluka.

In fairness, marami akong natutunan dito. Naubliga kasi akong matuto. Kaya ko ng magluto ng napakaraming klase ng Pilipinong pagkain. Dati pang handaan lang ang alam kong lutuin. Kaya nung bago kami dito, parang laging may party. Spaghetti, lumpiang shanghai, carbonara, baked macaroni, mixed vegetables with shrimps and quail eggs in creamy white sauce, etc. etc. Ngayon sinigang, pakbet, palabok, adobo, bistek, nilaga, mechado, kaldereta, kahit ano yata. Of course sa tulong ni Mama, Mama Sita.

Ang galing ko na ding mag ingles. Dati-rati, ako na pala ang kausap, di ko pa alam, nakatitig lang ako. Ngayon sanay na ako sa mga ingles na iba-iba ang accent, pati sa ingles ng Canadians na para bang kinakain ang mga salita. Bat ba di nila ibuka ang mga bibig nila? Di ba sila tinuruan ng tamang English pronunciation nung elementary? Kunsabagay, ganyan na rin ang mga anak ko ngayon.

At eto ka, meron na akong sport. Lampa ako nung bata. Kunsabagay, hanggang ngayon naman. Dati noon, patintero lang di pa ako makasali sa varsity. Pang muse lang daw ang beauty ko. Pwede na rin, kesa matalo ang mababang paaralan namin dahil nadapa ako. Pero dito, snowboarder ako. O di ba? Sosyal. Pero bago ako natuto, nabali yata ang lahat ng buto-buto ko at nag kulay talong ang buong katawan ko sa dami ng pasa. Lalo yata akong napango sa dami ng 'face plants' ko sa snow. Ikaw ba naman itali ang dalawang paa mo sa tila ba kapirasong plywood. Pero sa wakas, pagkatapos ng dalawang winter, e nakakababa na ako ng bundok ng hindi natutumba. Nadadapa pa rin ako pagbaba ng 'chair lift' pero pwede na. Uubra na. Matatawag ko ng sport ko ang snowboarding. Kaya excited na ako mag winter. Di ko akalaing magagawa ko ito. Parang sa pelikula ko lang nakikita ito noon sa Pinas.

Anyway, tama na ang pagmumukmok, wala namang kahihinatnan. I'll just smile and look forward to the future. I'll count my blessings and try to share them. Wish ko lang makauwi sa Pinas. Next year talaga. Promise. See you there.

Friday, April 22, 2011

Brrr...

Bangon na. snooze. Bangon na. snooze. Bangon na sabi! Tama na ang ka I snooze ng alarm clock.

Late na naman ako. Sarap kasi matulog pag malamig. Para na naman akong robot na maghahanda sa pagpasok. Hay, kailan kaya ako makakaalis sa rat race na ito?

Silip sa bintana. Leche, nag I snow! Ano ba yan? Sabi sa forecast kagabi sunny ngayon. Leche, leche, leche. Pero ang ganda sa labas, puti lahat. Hay!

Gisingin si ate, para tabihan si baby. Pasok sa banyo, i-on ang heater. Number 1 and then number 2. I-on ang tubig para uminit. Shower lang. di babasain ang buhok, baka magyelo sa labas. Nakakaloka, bakit may snow?

Toothbrush..oops bat ang lamig ng tubig? Initin ng konti. Bihis na. panty, bra, sando, sweater, leggings pa kaya? Baka kaya kong wala. Oo, leggings, jeans, medyas. Wag kalimutan ang cellphone para ma check ang mga batang home alone. Dampot ng baon, tira tira kagabi. Isa pang sweater, bonnet, scarf, outer jacket, gloves, boots na hanggang tuhod. Oops, naiwan heater sa banyo, leche, balik na naman sa taas.

Labas ng bahay. Super dahan dahan ang lakad, baka madulas. Nakakaloka talaga. Sa mga ganitong panahon, tanong ko lang, bakit nga ba ako nandito? Bbrrr…

Sunday, October 7, 2007

cafe latte

maka relate ka kaya?

kaninang umaga pa ako may $4 sa bulsa ko. kating-kati na ang mga paa kong lumakad papuntang starbucks. hayok na ang lalamunan kong madaanan ng mainit-init na cafe latte. pero di pa rin ako bumibili, alas onse na. sinusubukan kong wag bumili. kinukumbinsi ko ang sarili kong hindi maganda ang kape sa katawan at lalong di maganda ang starbucks sa bulsa. maraming mas mahalagang mga bagay.

ba't ba bibili pa ako ng starbucks cafe latte? gusto ko lang magising? meron naman akong saging sa bag. siguradong magigising ako pag kinain ko yon, healthy pa. lalo pag di ko gano nginuya at mabulun bulunan ako, magigising akong talaga. o kaya naman pwede akong makinig ng tugtog habang nagtatrabaho, nakakagising din yon. parang feel ko ngang mag gin blossoms. pwede rin akong tumayo dito at maglakad lakad sa opisina o kahit sa labas, may araw naman ngayon. malamig nga lang...brrrr. o tubig kaya, pwede akong uminom ng maraming maraming tubig hanggang sa maihi ako. o kaya naman pagtiyagaan ko nalang ang kape dito sa opisina, kape pa rin naman yon kahit lasang buhangin.

para kasing di ako mapakali, di makapag trabaho, kung saan-saan napapatingin ang mga mata ko, di maka pokus. alam kong cafe latte ang sagot. pero kaya ko ito. hindi ako bibili. ano naman kung wala akong magawang trabaho? wala namang nakikialam sa akin dito. tatambak lang naman ito, gagawin ko nalang sa lunes. sa lunes pwede na ako bumili ng latte, simula palang ng linggo yon.

hikab na ako ng hikab, lumilingon na sa akin ang mga kaopisina ko, mga umiiling, ngumingiti. nagluluha na ang mga mata ko, di na ako makakita. naduduling na yata ako. tumutulo na ang sipon ko. panay na ang singhot ko. parang makati ang tenga ko, ulo ko at pati alak-alakan ko. sandali nga, tatayo nga muna ako dito. bili lang ako ng kape sa starbucks.

Monday, April 2, 2007

BUS

Naiwan na naman ako ng bus. Araw-araw nalang akong naiiwan. Mag tatatlong taon na ako dito sa Canada di ko pa rin makasanayang may oras ang bus at dapat tumama ako sa oras kundi maghihintay ako ng susunod. Hay! Nakita ko pa namang parating ang bus ko pero patawid palang ako ng kalye papunta sa bus stop. Kung maaga-aga ako ng kalahating minuto, inabot ko sana.

Di bale, limang minuto lang naman akong maghihintay. Marasap ang panahon pag ganitong parating na ang tagsibol. Di ganong malamig at di rin naman mainit. May maliliit na ring cherry blossoms sa mga punong kinalbo ng taglamig. Meron nga ba o imahinasyon ko lang sa kagustuhan kong bumilis ang pagdating ng Spring?

Isa pa, ang paghihintay ng bus ay isa sa mga iilang pagkakataong nakakapag-isa ako ng tahimik, walang pressure, walang kailangang gawin kundi tumanga at maghintay. Maganda sana ang panahon, magaan sana sa kalooban kaso lang nalaman ko kahapon na may cancer ang isang kaibigan, 30 years old. Tama ba yon? Sabi ng doktor magagamot naman daw ng chemotherapy at operasyon. Pero kahit na, masyadong nakakagulat. Masyadong hindi inaasahan. Masyadong malayo sa plano, sa akala naming mangyayari. Iniisip ko tuloy, ano kaya ang gugulat sa buhay ko sa mga susunod na araw, linggo, buwan, taon? Nakakapanghina.

Tinanong ako kahapon ng bunso kong 5 taon kung bakit umiikot ang mundo. Natigilan ako ng sandali, di ko alam ang isasagot. Sabi ko nalang, yun kasi ang nagbibigay ng panahon para malaman ng mga tao kung gabi na, o lumipas na ang isang araw, isang linggo, isang buwan o isang taon. Para malaman namin kung birthday na nya at tatanda na sya ng isa pang taon.

Ba’t tatanda tuwing birthday? Kasi nakalipas na ang isang taon. Bakit tatanda bawat taon? Di ko alam e, ganon talaga yon, habang lumilipas ang mga araw, tumatanda ang mga tao.

Sa loob loob ko, di lang tumatanda, nagkakasakit, namomroblema, namamatay din. O minsan naman di ganong namomroblema, nakikibagay nalang sa mga pangyayaring di inaasahan sa paglipas ng panahon.

O baka naman di pag ikot ng mundo ang nagbibigay ng panahon. Baka panahon ang dahilan ng pag ikot ng mundo. Baka di tumatanda ang tao dahil lumilipas ang panahon. Baka lumilipas ang panahon dahil tumatanda ang tao. Baka di naman ganon kasama ang pagkakaroon ng cancer, baka daan yon para mangyari ang ibang mas mahalagang bagay. Kanya-kanyang pananaw nga lang naman sa buhay.

Baka di ako naiwan ng bus. Maaga lang yata ako para sa susunod.

Not too bad. Thanks.

Dati-rati kapag naririnig ko ang sagot na ito galing sa mga Canadians, iniisip ko, ano namang klaseng sagot yon? Anong ibig sabihin ng Not too bad? Di sobrang sama?

Nung bago ako dito, ang alam ko lang isagot sa How are you? ay I’m fine. Thank you. At sinasabi ko yan exactly how I used to say it nung pinapraktis ako ng Mommy ko para isali sa Little Miss Philippines. :-)

Habang tumatagal, unti-unti kong naiintindihan ang mga Canadians pati ang sagot nilang ito. At natuto na rin akong gamitin ang sagot na yan ngayon kahalili ng: I’m very well, I’m doing great, at kung anu- ano pa. At di lang yan. Bukod sa thank you, nakakapagsabi na rin ako ng How about you? Ang laki na ng improvement ko di ba. Medyo matagal kasi bago ako nasanay na lahat ng makasakay ko sa elevator kahit di ko kilala ay tatanungin ako ng How are you? Lahat ng makausap ko sa telepono, ang bungad How are you? Minsan pati bus driver, katabi sa train, kasalubong, lahat yata ng tao. Di ko mabilang kung ilang beses ako natatanong nyan sa isang araw. At dahil pinipilit kong maging tapat, itinigil ko na ang I’m fine. Thank you. at iniisip ko pa talaga kung ano ang kalagayan ko bago ako sumagot. Kaso lang pag sa elevator, bababa na ang kausap ko di pa ako nakakasagot at di ko pa sya natatanong ng How about you?

Ang buhay nga naman sa ibang bansa, ang daming maliliit na bagay na dapat makasanayan. Mabuti na nga lang at sanay ako sa hirap sa Pilipinas kaya naman lahat ng bagay ay good sa akin dito. Tulad ng simula ng winter na ito, nag snow ng dalawang araw at di natunaw ang snow sa kalye ng isang linggo. Bihira yan dito sa Vancouver. Kadalasan, isang araw lang mag i-snow sa buong winter tapos matutunaw na rin kinabukasan. Kaya naman ang mga tao ay talagang pinag usapan ang lagay ng panahon. Sabi nila mahirap maglakad papunta sa bus stop, malamig, mahirap mag drive, etcetera etcetera. (Mas mahirap maglakad pauwi sa Cubao mula sa hanggang bewang na baha sa Espana. Mas challenging mag drive na nakalubog sa tubig ang tambutso at di pwede bumitaw sa silinyador.) At dahil nga nag snow, delayed ang skytrain. Usapin na naman. Kesyo 30 minutes ang hintay. (Dalawang oras nga ang pila sa shuttle terminal sa Makati.) Punong puno din ang bus, siksikan dahil mabagal ang biyahe. (Di naman ganong puno, wala namang nang cha-chancing at wala ring na ho-hold-up. Tsaka di tulad ng jeep, wala pa namang sabit. Di pa rin sa bintana dumadaan ang mga pasahero at di pa nag ra-round trip. Di kasing hirap ng pagsakay noon ng jeep papuntang Montalban!)

Ang Vancouver ay kilala sa pagkakaroon ng mild weather buong taon. Ngayong winter pagkatapos ng snow, storm naman. Talagang malaking kontrobersya, laman ng lahat ng dyaryo. Ang lakas daw ng ulan at hangin. (Ambon lang yan sa Pinas. Anong hangin e wala namang lumilipad na bubong. Bagyo ba yan?)

O bakit nga ba sila sumasagot ng Not too bad? Bakit di nalang Not good kung hindi naman mabuti ang kalagayan nila? Dahil alam ng mga Canadians na mas maswerte sila kaysa sa napakaraming tao sa mundo. Tulad ko, ang karaniwang tao dito ay migrant o anak ng migrants. Mas mahirap ang buhay sa bansang pinanggalingan nila. Kaya nga sila nandito. Ito ang dahilan ng sagot nilang Not too bad. Kahit anong kalagayan, pinag-uusapan lang pero di nagrereklamo. Alam nilang mas malala ang kalagayan ng mas maraming mga tao sa ibang mga lugar.

At dahil naiintindihan ko na ito, ganyan na rin ang sagot ko ngayon. Walang araw na sobrang sama para sumagot ng Not good o Terrible. Kahit homesick ako, hangga’t may pagkain ang pamilya ko at walang nakamamatay na sakit, I’m not too bad. Thanks. You?

Thursday, January 25, 2007

May Lunar Eclipse Ba?

Yan ang unang naisip ko nang lumabas ako sa Manila International Airport. Ang dilim yata, wala namang nagsabing may eclipse. Ah, baka dahil may bagyo. Mahangin pero mainit. Nanlalagkit ang leeg ko, nararamdaman kong kumikintab ang mukha ko at pinapawisan ang kili-kili ko. Mga bagay na dalawang taon ko ng di nararanasan.

Nakita ko ang mga kapatid ni Ramil at si Alex. Sa wakas, nakauwi rin kami. Nalimutan ko ang lahat ng ibang bagay.

Papunta sa sasakyan muntik akong madulas. Basa nga ang kalye at bumabagyo. Pero parang putik yon.

Sa Adventure walang humpay na kwentuhan. Naghahahighikan ang mga anak ko sa likod. Mga babae nga naman, ke haharot. Tinanong ko kung bakit, natatawa sila sa dami ng lubak sa kalye, para raw kaming nakasakay sa roller coaster. Pinilit kong ngumiti kahit kinakabahan ako dahil walang seatbelt ang jumper seats at kalong lang sila.

Tuloy ang kwentuhan. Ayokong tumingin sa kalye, masyadong malalapit ang mga sasakyan, maraming tumatawid, walang guhit ang Edsa. Buti nalang mabagal ang takbo dahil trapik. Ang bilis ng tibok ng dibdib ko, aatakihin yata ako sa puso. Sasama pa yata ako kay Nanay sa libingan. Sya ang dahilan ng pag-uwi namin.

Pagdating sa punerarya nandun ang mga kapatid ko. Tatlo sa siyam at isang hipag. Kaunti yata yon. Samantalang si Ramil kumpleto ang anim na kapatid. Ang isa ay galing pa sa Australia. Pero di bale, mabuti na ang apat kaysa sa wala. At talaga namang hinintay nila ako, alas onse na. Nakakaiyak. Wala na ang mga magulang ko. Dalawang taon lang akong nawala, nawala na rin sila. Tuloy ang kwentuhan.

Alas dos ng umaga, umuwi muna kami. Kailangang matulog at magpahinga ng mga bata. Kailangan naming maligo pagkatapos ng 16 na oras sa biyahe. Walang pinagbago ang bahay nila Ramil na tinirhan ko ng lagpas anim na taon. Ganun pa rin. Pero pagpasok namin, nagkatinginan kaming mag-asawa. Parang lumiit ang bahay, bumaba ang kisame. Wala bang mas maliwanag na bumbilya? Tuloy pa rin ang tsikahan.

Dinagsa ng tao na burol. Lasing si Ramil gabi-gabi. Walang patumanggang kwentuhan. Walang tulugan hanggang sa pangatlong araw na bumagsak nalang kaming dalawa sa sopa at di na nagising hanggang hapon.

Nailibing si Nanay. Oras na para sulitin ang matagal naming inasam na pagbabalik sa Pilipinas. Tatlong linggo lang. Tatlong linggo sa bansang kinalakihan. Inubos namin ang lahat ng oras sa pakikipagkita sa mga kamag-anak, sa mga kaibigan. Pakikipagkwentuhan, pagsasalu-salo sa pagkaing nagbabalik ng maraming mga magagandang alaala.

Madilim, masikip, marumi, maputik, mainit, malagkit, malubak, matrapik. Yan ang Pinas sa mga mata ko pagkatapos ng dalawang taon ko dito sa Vancouver. Sa kabila ng lahat ng yan, sa puso ko, alam kong dun pa rin ako sasaya. Sa piling ng mga mahal ko sa buhay. Bakit ba kasi kami nandito sa Canada? Alam ko ang mga dahilan pero ayokong isipin.

Ibalik nyo na ako sa Pilipinas!

Thursday, December 14, 2006

PASO

Akala nila naglaslas ako ng pulso. Nababasa ko sa mga mata ng mga kaopisina ko pag tinatanong ako kung anong nangyari sa braso ko. Mayroon kasi akong sugat sa may pulso, sa kanan, sing laki ng piso. Gusto ko sana mag long sleeves araw-araw para wag nila makita. Wala nga lang akong ganon karaming long- sleeved blouses. Di ko rin naman malagyan ng benda dahil tatagal matuyo ang sugat. Ang hirap kasing ipaliwanag sa ingles na ang nangyari ay natalsikan ako ng mantika habang nagpiprito ako ng bangus, lumobo ang balat, nabalatan at naging sugat.

Simple lang naman sana kaya lang pag sinabi ko na ang dahilan, lalo silang naguguluhan. Natitigilan sila, natutulala, para bang naghihintay ng susunod pang paliwanag. Ang mga tanong nila. Wala ka bang deep fryer? Anong klase ba ang milkfish bakit tatalsik ng ganon kalakas? Bakit ka naman kakain ng pritong isda, ba’t di mo i-bake, mas healthy yon. Traditional Filipino food ba ang pritong bangus? Di ka ba sanay magluto at naaaksidente ka ng ganyan?

Kaya naman durugtungan ko pa ang kwento ng aksidente. Wala kasi akong deep fryer. Ganon talaga ang milkfish, matalsik pag pinirito. Masarap ang isda kasabay ng ginisang gulay at oo traditional Filipino food yon. Sadyang di ako sanay magluto dahil bago lang ako dito sa Canada at sa Pilipinas ay meron kaming tagaluto. Lalo kamong humahaba ang usapin pag sinabi ko na ang paliwanag na yan.

Wala kang deep fryer? Bakit di ka bumili, mura lang yon. Milkfish? Bakit di mo subukan ang salmon o halibut o cod, masarap yon pag baked o smoked. Anu-ano pa ba ang traditional Filipino foods? May tagaluto ka sa Pilipinas, talaga, as in cook?

Oo na nga bibili ako ng deep fryer. Di ko kasi kilala ang halibut o salmon o codfish, pero susubukan ko. Iba-iba ang Filipino foods, maraming may Chinese influence. Oo meron kaming tagaluto, tagalaba, tagaplantsa, tagalinis, at meron pang driver. Alam ko na, na sa oras sabihin ko ang huling pangungusap na yan, lalaki ang mga mata nila at lalong hahaba ang usapan.

Di sila makapaniwala na di ako sanay gumawa ng gawaing bahay dahil merong gumagawa ng lahat para sa akin sa Pinas. Siguro dahil di naman ako mukhang mayaman. Di nila maintindihan kung papanong pupwedeng magkaroon ng ganon karaming empleyado ang ordinaryong tao sa Pilipinas. Nagugulat din sila, di ba modern slavery yon? Okay lang ba ako ngayon dito sa Canada na ako na ang gumagawa ng lahat para sa pamilya ko? Hindi ko ba nami-miss ang ganong masarap na buhay?

By this time, limang minuto na akong tumigil magtrabaho para makipagdaldalan. At di pa tapos yan, ipaliliwanag ko pa. Hindi naman modern slavery yon, mura ang labor sa Pilipinas kaya pwede yon, at tulong yon para makaahon sila sa hirap, makapag aral ang mga anak nila. Nahihirapan ako ngayon pero kakayanin ko. At oo na mi-miss kong umuwi ng bahay na may kakainin na ako, natutuyo ang utak ko kakaisip kung anong lulutuin sa buong linggo, nasusuka ako sa daming beses maghugas ng pinggan sa loob ng isang araw, sumasakit ang likod ko sa pag saksak ng labahan sa washer at paglipat sa dryer at nabubwisit ako magtupi ng napakaraming damit, at higit sa lahat naaasar ako maglinis ng banyo. Pero syempre di ko naman sinasabi ang huling parte na yan, naiisip ko lang.

Dyan natatapos ang usapin ng paso ko. Pero isang tao palang yan, sa loob ng isang araw, higit sa lima ang magtatanong. Magpa press conference kaya ako? O di kaya'y magpadala ako ng mass email para ipaliwanag ang sugat ko? Pero syempre iba pa rin ang personal na pag-uusap. Nakawiwiwiling makita ang reaksyon ng mga tao dito sa Canada, lalo na sa usapin ng kasama sa bahay. Para silang nagugulat at nagtataka pero naiinggit at nalilito.

Sigurado akong nadagdagan ko ang mga maikukwento nila sa mga kaibigan nila at napalawak ko ang isip nila na mayroong buhay na iba sa pamumuhay nila dito.